Nagsimula nang mamahagi ng sampung (10) kilong bigas ang Lokal na Pamahalaan ng Tabaco sa ilalim ng Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units ng pamahalaang nasyonal ngayong Lunes, Oktubre 5 – 9, 2026.
Layunin ng nasabing programa na mabigyan ng ayuda ang kabuuang 9,166 na kwalipikadong sambahayan sa iba’t ibang barangay sa buong lungsod.
Ang opisyal na listahan ng mga benipisyaryo ay ibinatay sa pinakabagong Community-Based Monitoring System ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), kung saan tinukoy ang mga pamilyang nabibilang sa poverty threshold.
Magpapatuloy ang serye ng pamamahagi sa mga susunod na araw hanggang Biyernes, Oktubre 9, upang maabot ang lahat ng natitirang barangay sa mga mainland, upland, at coastal areas ng lungsod.
Sa pamamagitan ng mga nakatakdang schedule sa iba’t ibang designated sites at venue, tinitiyak ng CSWDO at ng mga opisyal ng barangay ang maayos at mabilis na pagkuha ng ayuda ng mga benipisyaryo.
Sa kabuoan, ang inisyatibong ito ay isang malaking tulong upang maibsan ang pang-araw-araw na gastusin sa pagkain ng mga pamilyang Tabaqueño.


